State of calamity didiretso sa state of emergency?
Nangangamba ang isang kongresista sa posibilidad na pagsamantalahan ng administrasyon ang pagpapalawig ng state of calamity sa loob ng isang taon para maideklara rin ang kinatatakutang state of emergency.Ito ang reaksyon ni Gabriela party-list Rep. Lisa Maza matapos ihayag ng Malacañang na kinukunsidera nilang ipatupad sa loob ng isang taon ang state of calamity matapos ang pananalasa ng bagyong Ondoy at Pepeng sa bansa. “Baka naman sinasamantala nila para magkaroon ng basis para magdeklara ng state of emergency o magbigay ng sobrang kapangyarihan na higit pa sa kailangan,” pahayag ni Maza sa kanyang text message kahapon. Sinabi naman ni Akbayan party-list Rep. Risa Hontiveros na masyadong OA o overacting ang hakbang na ito ng Malacañang. “OA talaga. Para makaraos sa calamity, dapat asikasuhin ang relief and rehabilitation na saklaw ng karaniwang kapangyarihan ng gobyerno. Baka mamaya maging state of emergency na naman ang state of calamity para makontrol ni GMA ang election,” anang kongresista. Ganito rin ang pananaw ni Nueva Ecija Rep. Edno Joson, “Eight years na nga tayo merong kalamidad at patapos na ng June 30. So, konti na lang ang malas ng Pinoy. Huwag lang gagamitin na katuwiran ‘yun for a declaration of state of emergency,” pahayag naman ni Joson. Kaugnay nito, mahigpit ding tinutulan ni Sen. Manny Villar ang planong palawigin ang state of calamity sa loob ng isang taon. Ayon kay Villar, malaki ang pangangailangan sa rehabilitasyon ng lugar na sinalanta ng bagyo, ngunit hindi nangangahulugan na kailangan ang isang marahas na pagkilos mula sa gobyerno. “Kailangan suriing mabuti ang plano ng Palasyo na palawigin ang deklarasyon ng state of calamity sa loob ng isang taon o higit pa. Nakakabangon na ang ilang lugar nang mabilis kaysa sa iba. Kailangan may balanse at nagkakaisang pananaw,” paliwanag ni Villar. “Sa ngayon, masyado nang nangangamba ang grupo ng mga negosyante sa naturang ideya, na kailangan silang konsultahin kung maapektuhan ang kanilang negosyo,” dagdag pa nito. Naunang nagpahayag ng pagkaalarma ang Makati Business Club (MBC) sa ekstensiyon ng state of calamity na anila’y “overkill” at posible pang magresulta sa pagdagdag ng kawalan ng trabaho at power shortage sa bansa. Hinamon naman ni Lanao del Norte Abdullah Dimaporo ang MBC na maglabas ng counter-proposal kung paano haharapin ang problemang iniwan ng bagyong Ondoy at Pepeng kaysa magbigay ng kritisismo. “The MBC should first check with the administration and recommend constructively. Is MBC gearing up to be a political party?” ani Dimaporo.

Delicious
Digg
StumbleUpon
Propeller
Reddit
Magnoliacom
Newsvine
Furl
Facebook
Google
Yahoo
Technorati
Icerocket



