SA ORTHOPEDIC I-HOSPITAL ARREST!
Kasabay ng pagpapahintulot kahapon ng korte na ilagay sa ‘temporary hospital arrest’ ang akusadong si dating Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo, iginiit kahapon ni Senate President Pro-Tempore Jinggoy Estrada na ipalipat sa Philippine Orthopedic Center sa Quezon City ang huli.
Binigyan-diin ng anak ni dating Pangulong Joseph Estrada na hindi naman nila tinututulan na manatiling naka-confine sa ospital ang dating pangulo dahil sa sakit nito, pero hindi sa isang mamahalin at mala-hotel na ospital na gaya ng St. Luke’s Medical Center sa Global City, Taguig. Tulad umano ng kanyang ama noon na nilagay sa isang government hospital, sa Veteran’s Memorial Medical Center, ay marapat lang na maging patas pa rin umano ang batas sa maysakit na si Gng. Arroyo at ang Philippine Orthopedic Center ang nararapat sa uri ng sakit nito.
“Kung may problema s’ya (Gng. Arroyo) sa buto, du’n s’ya dapat sa Orthopedic,” giit ng senador. Insulto sa tao!
Giit din ni Gabriela partylist Rep. Emmi de Jesus, sobrang pang-iinsulto sa sambayanan, lalo na sa mga biktima ng human right violations, ang marangyang kalagayan ngayon ni Gng. Arroyo na pinapayagang dumanas pa rin ng lahat ng luho sa kabila ng kinakaharap na kaso.
“Kung hindi mapigilan ang hospital arrest, dapat sa isang government hospital. St. Luke’s is too luxurious and too comfortable,” dugtong pa ni Rep. Luzviminda Ilagan mula rin sa Gabriela partylist.
Pagbubunyag naman kahapon ni Vice President Jejomar Binay, hindi umano nagdalawang-isip si Pangulong Aquino na payagang i-hospital arrest noong Biyernes ang dating pangulo dahil sa kakapusan ng oras na makapagpasya ang korte sa apela ng kampo ni Gng. Arroyo. Taliwas umano ito sa pagtrato noon ng ginang kay Estrada na bumilang ng ilang buwan bago ipinagkaloob ang hospital privileges kaya’t nai-commit muna sa Fort Sto. Domingo sa Laguna ang dating pangulo.
Dakong alas-nuwebe ng umaga nang isagawa ang preliminary hearing sa kasong electoral sabotage na isinampa ng joint committee ng Department of Justice (DOJ) at Commission on Elections (Comelec) laban kay Gng. Arroyo sa sala ni Pasay RTC Judge Jesus Mupas ng Branch 112.
Hindi muna naglabas ng commitment order ang korte at sa halip ay pumayag na manatili ang dating pangulo sa St. Luke’s Medical Center sa Global City, Taguig bilang pagkilala na rin sa kanyang naging katayuan bilang pangulo at kasalukuyang kongresista.
Magkakaalaman sa Biyernes Gayunman, sinabi ni Atty. Jose Pelicano, clerk of court, na sa araw ng Biyernes (Nobyembre 25) ay ipagpapatuloy nilang muli ang pagdinig kaugnay sa mga inihaing mosyon ng depensa kabilang ang kahilingan na suspendihin ang pagdinig at pagtutol nila sa pagpapalabas ng warrant of arrest at Hold Departure Order (HDO) na hiniling ng tagausig.
Ikulong! --- Ito ang sigaw ng mga militanteng protesters na pumapalag sa diumano’y special treatment kay dating Pangulong Arroyo. (AP) Posible aniyang sa araw na iyon din nila ilabas ang desisyon sa mga tatalakayin mosyon sa Biyernes partikular ang hirit na HDO laban sa dating pangulo.
“Medyo naantala ang ihahaing mosyon ng depensa sa hirit na hospital arrest dahil nagkataon na bumiyahe patungong Tarlac ang attending physician ng dating pangulo na si Dr. Juliet Cervantes kaya’t hindi nakapagbigay ng kanyang rekomendasyon sa kalagayan ng kalusugan ng dating pangulong Arroyo,” ani pa ni Pelicano.
Ngayong umaga ay inaasahan ng korte na magsusumite ng medical report ang mga manggagamot ni Arroyo upang ipabatid na kung mananatili pa rin ito sa nasabing pagamutan dahil sa kanyang karamdaman.
“Kailangan maisumite ni Dr. Cervantes ang lahat ng medical bulletin o anumang ang kalagayan ngayon ng dating Pangulong Arroyo,” dagdag pa ni Pelicano. Nagpahiwatig naman ni Pelicano na posibleng katigan ng korte ang hospital arrest lalo na’t nauna ng nagpahayag ang Malacañang at ang prosecutors na hindi nila haharangin kung hilingin ng kampo ni Gng. Arroyo na manatili na lamang sa pagamutan. Pero hindi pa rin umano niru-rule out ng hukuman ang inihandang detention room ng Southern Police District (SPD) kung sakaling bumuti na ang kondisyon ng dating pangulo.
by Nina Armida Rico, Boyet Jadulco, Bernard Taguinod at Dindo Matining

Delicious
Digg
StumbleUpon
Propeller
Reddit
Magnoliacom
Newsvine
Furl
Facebook
Google
Yahoo
Technorati
Icerocket
