Pope gagawing sangkalan sa RH bill

Source: 
Abante Online

Suportado ng mga Reproductive Health (RH) bill solons ang mensahe ni Pope Benedict XVI sa Catholic Bishop Conference of the Philippines (CBCP) na ipagtanggol ang buhay ng mga tao.

Ayon kay Gabriela partylist Rep. Emmi de Jesus, pinulitika lamang umano ng anti-RH bill group ang nasabing panukala kaya nagkaroon ng maling interpretasyon dito ang mga tumututol.

“Gagamitin namin bilang frameworks ang message ng Santo Papa na ipaglaban ang buhay. Actually, ‘yan naman talaga ang layunin ng RH bill. Binago lang nila (anti-RH groups) ang totoong advocacy ng RH bill,” ani De Jesus.

Sinabi ni De Jesus na kaya isinulong ng mga ito ang RH bill ay upang iligtas ang buhay ng mga nanay na namamatay dahil sa kumplikasyon sa pagbubuntis at pa­nganganak dahil hindi nabibigyan ang mga ito ng libreng konsultasyon ng gobyerno.

“Sila (anti-RH group), nakatutok lang kasi sila sa fetus at sanggol. Kami, mula sa nanay hanggang sa kanilang mga sanggol ang gusto naming alagaan,” ayon pa sa mambabatas.

Umapela rin ang mambabatas sa mga lider ng Simbahang Katoliko na huwag iligaw ang taumbayan sa tunay na layunin ng RH bill at iwasang gawan ito ng kuwento nang walang katotohanan. (Bernard Taguinod)