Paniningil sa First Couple sa ZTE scam ‘di pa huli

Source: 
www.abante.com.ph

Hindi pa umano huli para pagbayaran ng First Couple, partikular si Pa­ngulong Gloria Macapagal-Arroyo ang kanilang mga kasalanan sa taumbayan.

Ayon Gabriela partylist Rep. Liza Maza, bagama’t nalusutan ni Pangulong Arroyo ang apat na impeachment cases sa Kamara, hindi naman aniya nito malulusutan ang kanyang pananagutan sa taumbayan.

“It’s never too late to make GMA pay for her crimes. She may have maneuvered her escape from four impeachment complaints but she will never escape her accountability to the people,” ani Maza.

Sinabi pa ng kongresista na ang Senate blue ribbon committee report na nagrerekomenda sa pagsasampa ng kaso laban kay Pangulong Arroyo dahil sa naging partisipasyon nito sa NBN-ZTE deal ay isang daan para ma-impeach ito.

Ang NBN-ZTE scandal aniya ay isang lamang sa maraming mga kasong kinasasangkutan ng Pangulo na hanggang ngayon ay hindi pa rin nareresolba.

Samantala, nilinaw ni Ombudsman spokesman Jose de Jesus na posible pa umanong mabago ang re­solusyong inilabas ng Office of the Ombudsman noong Agosto kaugnay sa ZTE-NBN controversy kung saan inabsuwelto si First Gentleman Mike Arroyo.

Si FG ay kabilang sa ini­rekomenda ng komite sa pinakakasuhan ng graft kaugnay sa NBN-ZTE scam.

Kaugnay nito, rumesbak kahapon si Pangulong Arroyo at sinisi ang ‘political immaturity’ na siya umanong ugat kung bakit nahaharap siya sa nasabing kontrobersya.

Sa kanyang talumpati sa 36th Top Level meeting ng Kapisanan ng mga Broadcasters ng Pilipinas (KBP) sa Tagaytay City, sinabi nito na walang basehan upang kasuhan siya o iugnay sa nasabing kontrobersya dahil ang mga ibinato umano sa kanyang paratang ay base lamang sa tsismis at wala namang basehan.