National ID ba't inaapura ni Gloria?

Source: 
www.abante.com.ph

IKinuwestiyon ni Gabriela Rep. Liza Maza ang mu­ling pagbuhay sa National ID system na gagamitin umano ni Pa­ngulong Gloria Macapagal-Arroyo sa dara­ting na 2010 elections.

“The National ID system is Arroyo’s dog tag that will only serve her vested inte­rests in the 2010 elections,” giit pa ni Maza.
Iginiit ng nasabing mam­ba­batas na ang pagbuhay sa unified identification (ID) system na iniulat umanong iiimplementa ngayong taon at lalagdaan sa unang bahagi ng taon ang memorandum of agreement sa pagitan ng Social Security System (SSS), Government Service Insurance System (GSIS), Philippine Health Insurance Corp. (Philhealth), at Home Development Mutual Fund (Pag-IBIG).

Idinagdag pa ni Maza na unconstitutional at hindi makakatulong na lutasin ang suliranin sa kriminalidad, terorismo at kawalan ng linya sa mga social services sa bansa.

Sa halip umano ay magagamit lamang ito para pagkaitan ang sinuman na makatanggap ng pangu­nahing serbisyong medikal, edukasyon at ma­ging bumiyahe sa sanda­ling walang mailabas na natio­nal ID card.

Target na maimplementa ito ngayong taon o kaya bago matapos ang termino ni Arroyo sa Hunyo 2010 kung saan, isang ID na lamang ang gagamitin ng mamamayang Filipino.
Optimistiko si Maza na muling maibabasura ang nasabing plano tulad ng nakalipas ay mariing tinutulan ng iba’t ibang sektor ng lipunan.