Maternity leave hiling gawing 3 buwan

Source: 
People's Taliba
MULA sa kasalukuyang 60 hanggang 78 araw na maternity leave, nais ng dalawang militanteng babaing kongresista na gawing 120 araw ang maternity leave upang mas mabigyan ng proteksiyon ang buhay ng mga nanay at kanilang sanggol.
   
Sa ilalim ng House Bill (HB) No.  3973 na inihain kahapon nina Gabriela Reps.  Luzviminda “Luz” Ilagan at Liza Maza, sinabi ng dalawa na umaayon ang kanilang panukala sa rekomendasyon ng International Labor Organization Convention 183 on Maternity Protection.
   
Katuwang nina Ilagan at Maza sa pagsusulong ng panukala ang Alliance of Concerned Teachers, Education International Philippines, National Alliance of Teachers and Office Workers, Teachers’ Organization of the Philippine Public Sector at Trade Federation-FFW upang pahabain ang pahinga ng mga bagong panganak mula sa 60 araw sa normal delivery at 78 araw sa caesarean tungong 120 araw.
 
“Our country lags behind our neighbors in terms of granting maternity benefits and protection to women workers. This measure will help address the maternal and infant mortality rates in our country and ensure the health of both mother and child,” ani Ilagan na nagsabing pinapayagan ng Vietnam ang mga buntis ng 120 hanggang 180 araw na maternity leave habang 90 araw naman sa Thailand, Cambodia, Indonesia at Laos.
 
Base sa pag-aaral ng Health Alliance for Democracy, lumitaw na 10 ina ang namamatay araw-araw dahil sa pagbubuntis at panganganak kung saan naitala ang
pagkamatay ng 25 sa bawat 1,000 buhay na sanggol noong 2005 habang 162 kada 100,000 live births noong 2006 ang maternal mortality.
 
Lumitaw rin sa pag-aaral na nasa ika- 84th posisyon mula sa kabuuang 179 bansa ang Pilipinas sa usapin ng pagkakaroon ng “available data” sa infant mortality rate.
 
Ibinuking rin ni Ilagan na kasama ng Pilipinas ang Malaysia sa pagkakaroon ng pinakamababang ranggo sa Timog Silangang Asya sa usapin ng pagkakaloob ng maayos na maternity health care.