Jinkee atbp. kababaihan, may karapatan sa RH na di limitado sa kontraseptibo –Gabriela

Source: 
PINOY WEEKLY online

Sa gitna ng mainit na debate sa Kongreso hinggil sa Reproductive Health (RH) Bill, inilinaw ng grupong Gabriela at mambabatas ng Gabriela Women’s Party-list na higit pa sa usapin ng artipisyal na mga kontraseptibo ang karapatan sa reproductive health ng kababaihan, lalo na ng mahihirap.

“Asserting women’s full access to reproductive health services and programs should not be reduced to just the issue of contraceptives. We need to focus on our universal respect for the human life,” ayon kay Gabriela Rep. Emmi de Jesus.

Inihayag naman ni Gabriela Rep. Luz Ilagan na may karapatang gumawa ng desisyon hinggil sa kanyang katawan ang bawat kababaihan, kabilang ang asawa ni Sarangani Rep. Manny Pacquiao, na ginawang poster boy ng Simbahang Katoliko laban sa RH Bill. Inihayag kamakailan ng boksingero na itinigil na ni Jinkee ang pag-inom ng pills para kontrolin ang paglaki ng kanilang pamilya.

“Jinkee is an empowered woman who understands her maternal responsibilities, her right to decide on her reproductive health condition and the will to take steps to realize her decision,” ani Ilagan.Idiniin ni Ilagan na kapag ipinasa ang RH Bill, magkakaroon ng kapasidad ang mayorya ng kababaihan na gumawa ng impormadong mga desisyon, lalo na ang walang akses sa mga serbisyo para sa reproductive health.

Ayon sa mambabatas, mas maliit ang posibilidad ng kumplikasyon sa panganganak ng mayayamang kababaihan na may akses sa mga serbisyo at may average na dalawang anak, kumpara sa mahihirap na kababaihan na walang akses sa mga serbisyo at may average na dalawa hanggang anim na anak.

Samantala, binatikos naman ni de Jesus ang adyendang population control o pagkontrol sa populasyon na balangkas ng gobyernong Aquino sa pagsusulong ng RH Bill. Aniya, pinagtatakpan ng population control ang tunay na dahilan kung bakit mahirap ang mayorya ng mga Pilipino.

“[Each family] could lay claim to a decent and quality life if only government seriously addresses the landlessness question, as it will open up hundreds of thousands of jobs to feed millions of Filipinos. Seriously promoting national industrialization will also allow our workers to be employed close to home and their families,” ayon sa mambabatas.

Samantala, binatikos naman ni Lana Linaban, pangkalahatang kalihim ng Gabriela, si Pang. Aquino dahil sa pagbanta niya na kakasuhan ng sedition ang mga grupong kontra-RH Bill na nanawagan ng civil disobedience, gaya ng hindi pagbabayad ng buwis.

“Hindi nakakatulong ang ganitong mga banta para magkaroon ng malusog na debate hinggil sa RH, at inilalayo tayo sa tunay na isyu: ang pagkakaroon ng komprehensibong polisiyang pangkalusugan na tutugon sa kalunus-lunos na sitwasyon ng reproductive health sa ating bansa,” ayon sa lider-kababaihan.

Nanawagan ang Gabriela sa Simbahang Katoliko na magsagawa ng mga diyalogo sa komunidad, para marinig ang tinig ng mahihirap na kababaihang makikinabang sa pagpasa ng RH Bill.