Gonzales bagong Defense chief; militanteng kongresista naalarma

Source: 
www.gmanews.tv

MANILA – Si National Security Adviser Norberto Gonzales ang napili ng Malacanang na bagong kalihim ng Department of National Defense (DND), kapalit ni Gilberto “Gibo" Teodoro na tatakbong pangulo sa 2010 elections.

Dahil dito, binatikos ng mga militanteng kongresista si Pangulong Gloria Arroyo, kasabay ng pangamba na lalong dadami ang kaso extra-judicial killings at human rights violations sa ilalim ng liderato ni Gonzales.

“We expect more extra-judicial killings, enforced disappearances, and filing of trumped up charges against progressive party-list organizations and candidates especially in the coming elections because of his Red baiting and anti-communist bias," ayon kay Anakpawis party-list Rep. Rafael Mariano.

Inihayag naman ni Anakpawis party-list Rep Joel Maglunsod Maglunsod na hindi malayong mangyari ang pangamba ni Mariano dahil kilalang kritiko ng komunistang samahan si Gonzales.

“Malacañang should have considered the human rights concerns in appointing Gonzales to the DND. It’s really disappointing to hear his appointment, another sad day for the human rights fighters," pahayag ni Maglunsod.

Ayon sa mga militanteng kongresista, si Gonzales ang pinuno ng binuwag na Inter-Agency Legal Action Group (IALAG), na nasa likod ng pagsasampa ng umano ng mga imbentong kaso sa mga progresibo grupo katulad ng tinaguriang “Batasan Six."

Ang “Batasan Six" ay pansamantalang “napiit" sa Batasang Pambansa noong nakaraang Kongreso na kinabibilangan nina Bayan Muna Reps. Satur Ocampo at Teodoro “Teddy" Casiño, dating Bayan Muna Rep. Joel Virador, Gabriela Reps. Liza Maza at Mariano.

Ang “pagkakapiit" sa limang kongresista ay may kaugnay sa kasong rebelyon na isinampa ng Department of Justice laban sa kanila kasama ang 42 iba pang respondents. Ngunit pinawalang sala sila sa mababang korte.

Naging pang-anim na kongresista ang pumanaw na si Anakpawis Rep. Crispin Beltran na "napiit" naman sa ospital dahil sa sakit nito sa puso bunga ng lumang kaso ng pagpatay na ibinasura rin ng korte.

“Gonzales will surely continue politicizing and mobilizing the military for his own self-serving political ambition," ayon sa mga kinatawan ng Anak Pawis.

Hinihinala rin ni Maza na may kinalaman sa darating na halalan ang pagkakatalaga kay Gonzales bilang bagong DND secretary.

“It is clear signal of how the military may possibly intervene in the electoral process in the May 2010 elections," aniya. His appointment six months before the May elections is a foreboding sign." - GMANews.TV