Comelec kinuyog sa Third Sex

Source: 
www.abante-tonite.com

Kinukuyog ng mga mambabatas sa Mababang Kapulungan ng Kongreso ang Commission on Elections (Comelec) sa pagiging “macho” ng komisyon nang tanggihan ang aplikasyon ng grupo na tinaguriang “Third Sex” na makilahok sa party-list election at magkaroon ng kinatawan sa kapulungan.

“It is unfortunate that discrimination against the LGBT (Lesbian, Gays, Bisexuals, Transgender),” pahayag ni Kabataan party-list Rep. Raymond Palatino matapos tanggihan ulit ng Comelec ang aplikasyon ng “Ang Ladlad Party-list”.

Sinabi ni Palatino na sa halip na ang gobyerno ang magbigay ng proteksyon sa nasabing grupo na hanggang ngayon ay hindi pa lubusang matanggap ng lahat, ay sila pa ngayon ang nangunguna para itanggi ang kanilang mga karapatan.

“It seems that the Comelec is guided by antiquated beliefs, such as equating homosexuality with immorality. Para silang nabubuhay sa stone age,” reklamo ni Palatino.

Maging si Gabriela party-list Liza Maza ay dismayado sa naging desisyon ng Comelec dahil lumalabas na maging ang gobyerno ay hindi matanggap ang nasabing sektor ng lipunan.

Ipinaliwanag ni Maza na malaki ang naitutulong ng nasabing sektor para sa pag-unlad ng lipunan lalo na ang mga gay o bakla kung saan, sila ang nangunguna sa negosyo ng pagpapaganda.

“Nakakalungkot dahil itong grupong ito ay mayroon talagang sektor na inere-represent samantalang ang ibang party-list organization ay wala naman talaga,” ayon pa kay Maza.