Bogus na partylist dadagsa

Source: 
www.abante.com.ph

Lalong dadami ang mga bogus na partylist congressmen sa susunod na Kongreso dahil sa pagtanggi ng Commission on Elections (Comelec) na aprubahan ang petisyon ng Alliance of Concerned Teachers (ACT) at Courage (grupo ng mga government employees) na makasali sa partylist elections ngayong 2010.


Ito ang kapwa pina­ngangambahan nina Kabataan partylist Rep. Raymond ‘Mong’ Palatino at Gabriela partylist Rep. Liza Maza matapos ibasura ng Comelec ang petisyon ng dalawang nabanggit na progresibong grupo.


“This systematic attack against legitimate and progressive parties critical to the current administration should stop. Comelec is apparently denying the constitutionally mandated right of the marginalized sectors to be represented in the legislature,” ani Maza.


Hanggang hindi umano binabago ng Comelec ang kanilang pagtrato sa mga progresibong grupo ay darating ang panahon na pawang mga “bogus” na partylist group ang makakaupo sa Kongreso.


Sa ngayon aniya ay marami na ang nakaupong bogus na grupo at walang malinaw na marginalized sector na inirerepresenta sa Kongreso at malamang na dadami pa ito dahil bukod sa ACT at Courage, ibinasura din ng Comelec ang petisyon ng Migrante na samahan ng Overseas Filipino Workers (OFWs).