Bantang shortage sa suplay ng oil products tinawag na 'blackmail'
MANILA – Tinawag ng mga kongresista na “blackmail" ang babala ng mga kumpanya ng langis na magkakaroon ng kakulangan ng suplay sa mga produktong petrolyo sa bansa dahil sa ipinalabas na kautusan ng pamahalaan.
Kasabay nito, iginiit ni Justice Secretary Agnes Devanadera na napapanahon at lubhang kailangan na ipatupad ng gobyerno ang Executive Order (EO) No. 839 na nagtatakda sa mga oil companies na ibalik sa October 15 level ang presyo ng mga produktong petrolyo.
Sa magkakahiwalay na panayam at pahayag, nagkakaisa sina Partylist Reps. Joel Maglunsod (AnakPawis), Liza Maza (Gabriela), Satur Ocampo (Bayan Muna), Speaker Prospero “Boy" Nograles Jr., Reps. Danilo Suarez (Quezon) at Exequiel Javier (Antique), na dapat mangibabaw ang interes ng bayan kaysa pananakot ng mga kumpanya ng langis.
Nanawagan si Maglunsod sa pamahalaan na panindigan ang EO 839 at huwag magpadala sa banta ng mga oil companies na magkakaroon ng shortage sa mga produkto sa mga susunod na linggo kung pipigilan sila sa ipinatutupad na price hike.
Hirit naman ni Maza: “They just want to create fear. Oil companies should open their books. They have pocketed huge super profits and have taken advantage through unjustified price increases.
Hindi naman nagulat si Ocampo sa ginawang pag-alma ng mga kumpanya ng langis na ibalik sa dating presyo ang mga produktong petrolyo na mangangahulugang ng pagbawas ng P1.25 hanggang P2 bawat litro.
“For the longest time, the oil companies have gotten their way and jacked up their prices. It cannot be expected that oil firms would suddenly obey," aniya.
Noong Oktubre 20, itinaas ng mga kumpanya ng langis ng hanggang P2 bawat litro ang presyo ng diesel, habang P1.25 per liter naman ang itinaas sa premium gasoline, at P1.50 bawat litro sa kerosene.
Sinabi naman ni Nograles na lalong makasasama sa mga kumpanya ng langis ang ginagawa nilang pagbabanta dahil lalong magkakaroon ng dahilan ang gobyerno na panghimasukan ang kanilang negosyo.
“The said supply shortage will open a crisis where government can interfere in accordance with the laws on the matter. This kind of threat or mild blackmail won’t fly. In the national interest the govt will take over. I strongly advice them not to test this route," ayon sa lider ng NPC.
Pinaalalahanan naman ni Suarez, chairman ng House committee on oversight, ang mga kumpanya ng langis na hindi makatutulong sa pagbangon ng bansa sa krisis sa kalamidad ang ginagawa nilang pagbabanta.
Idinagdag naman ni Javier, chairman ng House committee on ways and means, na maraming kailangang ipaliwanag ang mga oil companies kapag nagkaroon ng shortage sa suplay ng mga produktong petrolyo.
“The worse that can happen is an artificial shortage in light of these warnings from oil companies. Government will not allow this to happen," ayon kay Javier.
'Di papatayin ang negosyo
Nanindigan naman si Justice Secretary Devanadera na nararapat at napapanahon ang ipinalabas na EO 839 ni Pangulong Arroyo para mapigilan ang pagtaas sa presyo ng mga produktong petrolyo sa harap ng pinsalang idinulot ng mga nagdaang bagyo.
“Di magiging unreasonable ang pamahalaan, naintindihan ng pamahalaan. 'Di tayo naglalayong pumatay ng negosyo," paliwanag ni Devanadera sa panayam ng dzXL radio tungkol sa mawawalang kita ng mga oil companies.
"Ating tinitingnan na sa ganitong pagkakataon dapat may sakripisyo rin ng mga kinauukulan (oil companies)," idinagdag niya.
Bagaman mayroon umanong kapangyarihan ang gobyerno na i-takeover ang mga oil companies sa panahon ng kalamidad, sinabi ni Devanadera na hindi ito ginawa ng pamahalaan.
“Authorized ang government mag-takeover. Pero 'di natin gagawin 'yan sa ganitong panahon dahil ang nais lang natin ay damdamin ng oil companies ang kalagayan ng ating mamamayan na naghihirap dahil sa devastation ng typhoons," ayon sa kalihim.
“This is of temporary nature and this is being done in response to extreme difficulties our people are in as a result of these typhoons. Why are oil firms making it look so difficult?" puna niya. – GMANews.TV

Delicious
Digg
StumbleUpon
Propeller
Reddit
Magnoliacom
Newsvine
Furl
Facebook
Google
Yahoo
Technorati
Icerocket



