Pangmatagalang Solusyon ang Kailangan Upang Maiwasan ang mga Sakuna ng Kalikasan

Profile: 

Dagundong ng mga rumaragasang trosong nakasakay sa rumaragasang tubig ang gumising at pumatay sa mga mamamayan at nagwasak sa Cagayan De Oro, Lanao del Sur at Norte, at Bukidnon noong December 17, 2011.

Sa tala ng National Disaster Reduction and Management Council (NDRMMC) noong January 2, 2012, umabot na sa mahigit 700,00 ang mga biktima ng bagyong Sendong sa Cagayan de Oro, Lanao del Norte at Sur, at Bukidnon. At mahigit sa isang bilyon ang halaga ng mga nasirang pananim at infrastraktura. Isama pa natin dito ang hindi masusukat na pagbagsak ng pag-asa at mga pangsikolohiyang problemang kinakaharap ng mga biktima ng bagyo.

Ang pangyayaring ito sa Mindanao ay isang kalamidad na matagal nang nakaamba, hindi lamang sa Mindanao, kundi sa buong bansa, dahil sa patuloy na pagkawasak ng kalikasan, at sa patuloy na pagpapabaya ng pamahalaan na tiyakin ang pangangalaga sa kalikasan. Sa halip, ibinigay ng pamahalaan sa mga pribadong kumpanya ang 53,578 ektarya ng kagubatan sa Mindanao para sa pagtotroso. At ang pagtotroso ay sinasabayan ng walang habas na malawakang pagmimina sa mga kagubatan at kabundukan. Kasabay nito ang paghawan ng mga lupain upang maging mga pataniman.

Sa isang pag-aaral na inilunsad ng University of the Philippines, nakitang nasa matinding panganib ang mga komunidad na nasa daanan ng pababang agos ng Upper Pulangi Watershed dahil ang 2,000 ektarya ng watershed na ito ay ginawa nang taniman ng pinya ng Del Monte Philippines.

Sa kasalukuyan, merong 54 Mineral Production Sharing Agreements (MPSA) na sumasakop sa 125,670 ektarya ng Mindanao. Sa Cagayan Valley, may dalawang Financial or Technical Assistance Agreement (FTAA) na sumasakop sa mahigit 20,000 ektarya at walong MPSA na sumasakop naman sa mahigit 21,000 ektarya ng Cagayan Valley. Sa Central Luzon, mayroong 18 MPSA at 5 Exploration Permit (EP). Mahigit naman sa 99 mining application ang nakapila sa mahigit 51% ng isla ng Mindoro. Sa Palawan, 14 bayan ang sakop ng mga operasyon ng pagmimina at aplikayon para sa pagmimina. Sinakop naman ng 14 MPSA ang mahigit sa 35,000 ektarya at 1 EP ang 24,600 ektarya ng Davao region. At Compostela Valley, mayroong 5 MPSA at 2 EP. Nakuha na ng Western Mining Corporation ang 100,000 ektarya ng mga hangganan ng Socksargen. At sa Zamboanga Peninsula, 13 MPSA ang sumakop sa halos 43,000 ektarya ng peninsula. At nagbabalak naman ang TVI Resource Development sa Zamboanga del Norte na palawakin ang sakop nito sa Western Mindanao.

Sabay-sabay na nangyayari ang mga paglapastangang ito sa lupa at sa likas na yaman ng bansa kaya naman sabay-sabay ring dumarating ang sakuna na ang nagiging biktima ay ang mga kababayan nating walang mapagpipilian kundi manirahan sa mga lugar na mapanganib dahil doon lamang sila maaaring makakuha ng kabuhayan.

Malaki diumano ang kontribusyon ng pagmimina sa ekonomya ng bansa ngunit ayon na rin mismo sa pag-aaral na inilabas ng Mines and Geoscience Bureau (MGB ), lumalabas na napakaliit ng kita ng pamahalaan mula dito. Mula noong 2000-2009, nakapag-ambag lamang ng .091% sa GDP ng Pilipinas ang pagmimina. At sa trabaho namang naibibigay ng pagmimina, hindi lumampas sa 0.376% ang naiambag ng pagmimina sa loob ng isang dekada (2000-2009). Ang mga lugar na binuksan para sa pagmimina ay kasama pa rin sa listahan ng pinakamahihirap na bayan sa bansa bukod pa sa kasama rin sila sa mga lugar na wasak na wasak ang ecosystem. Napakaliit rin at hindi regular ang kita ng mga karaniwang manggagawa sa minahan bukod pa sa mapanganib ang mga trabahong ibinubukas para sa kanila.

Sa pamamagitan ng EO 23 na pinirmahan noong Pebrero 2011, ipinag-uutos ng Pangulo ang total log ban, ngunit binali rin niya ito nang ideneklara niyang hindi kasali ang mga minahan sa kautusan ito. Isa itong napakalaking kabalintunaan dahil ang pagbubukas ng mga bundok at gubat para sa pagmimina ay sinasabayan din ng pagputol sa mga puno upang tuluyang mabuksan ang prontera para maiahon ang mina.

Ano man ang sabihin ng mga kumpanya ng pagmimina na nagdadala sila ng kabuhayan para sa mga komunidad na binubuksan, higit ang mga panganib at pagkawasak na dala nila at iniiwan nila kapag wala na silang pakinabang sa lupa. Hindi natin maaaring kalimutan ang pagkawasak na nangyari at mangyayari pa sa Marinduque, sa Palawan, sa Mindanao, at sa iba pang mga lugar na nakapila na ang mga aplikasyon para sa pagmimina.

Ang mga programa ng pamahalaan para sa mga madaliang pagtugon sa mga sakuna tulad ng mga relief operations ay hindi sapat na tugon sa paulit-ulit na problemang kakaharapin ng bansa at ng mga mamamamayan kung patuloy na magpapabaya ang pamahalaan at hindi nito haharapin ang ugat ng mga problemang ito.

Higit na dapat bigyan ng prayoridad ang mga pangmatagalang solusyon tulad ng pagsasawalang-bisa sa mga batas na nagbibigay ng daan sa mga mamuhunan na wasakin ang kalikasan tulad ng Mining Act of 1995 at Forestry Code of 1975. At palitan ito ng mga batas na kumikilala sa karapatan ng mga mamamayan sa isang ligtas na kapaligiran at maayos na pamumuhay at hanap buhay na rumirespeto sa kahalagahan ng kapaligiran, mga batas na nakakiling sa kabutihan ng mga mamamayang Pilipino, at hindi sa kagustuhan ng mga dayuhan.

Sa patuloy na pagsasawalang bahala ng pamahalaan sa pangangalaga sa kalikasan kapalit ng kita na hindi naman kinikita ng pamahalaan, bagkus ay inilalabas ng mga dayuhang namumuhunan, sa patuloy na pagkiling ng pamahalaan sa mga dayuhan at malaking namumuhunan, at sa kawalan nito ng gulugod sa mga usaping pampolitika at soberanya ng bansa, lumilitaw ang samut-saring mga problemang dulot ng pagkawasak ng kalikasan na higit kailanman, ang mga mamamayan ang nagpapasan, nagbabayad, nagdurusa at namamatay.

Kaya naman naniniwala ang Gabriela Women’s Party na sa kasalukuyang kalagayan ng kalikasan ng bansa, mas higit na mahalaga ang pagbibigay ng panahon upang mabawi ng kalikasan ang kanyang lakas at kakayahang buhayin ang mga mamamayan. Ngayon ang pinakamahusay na panahon upang bawiin ng pamahalaan ang Mining Act of 1995 at ang iba pang mga batas at kautusang sumisira sa kalikasan.

Hayaan nating bumawi ng lakas ang kalikasan habang isinasabay ang pagbubuo ng mga programa para sa tama at mahusay na paraan ng paggamit at pagpapaunlad ng kalikasan, ng kanyang kalupaan at katubigan para sa isang pambansang makakalikasang industriyalisasyon. Ang pagpapanatili sa likas-yaman ng bansa sa kanyang kinalalagyan sa kasalukuyan ay higit na mahalaga kaysa sa kita, bilang puhunan para sa hinaharap, para sa kapakinabangan ng mga Pilipino, hindi ng mga dayuhan.

Maraming salamat po at magandang hapon sa ating lahat.