Panawagan Sa Pagtaas Ng Sahod Ng Mga Guro Sa Gitna Ng Malawakang Krisis Pang-ekonomiko

Privilege Speech of Gabriela Women's Party Rep. Luzviminda C. Ilagan on 4 March 2009

Ginoong Speaker, mga kagalanggalang na Kinatawan, laman ng ating mga debate sa nakaraang mga buwan dito sa Mababang Kapulungan ang malawakang krisis pang-ekonomiya at pampinansya at kung paano natin maiibsan ang epekto nito sa sambayanang Pilipino.

Subalit sa ating mga diskusyon ay nakalimutan nating isaalang-alang ang isa sa pinakamahalagang sektor sa ating lipunan – ang mga guro.

Mga kagagalanggang na Kinatawan, ang gurong Pilipino, bilang isa sa mga propesyunal na may pinakamababang sahod, ay isa sa pinakamatinding naapektuhan ng pandaigdigang krisis.

Nandirito ngayon sa gallery ang ilan sa apat na raan at pitumpu't siyam na libo, walong daan at siyamnapu't tatlong (479,893) pampublikong guro na nagmartsa mula sa iba't ibang panig ng Pilipinas patungo rito sa Batasang Pambansa upang hingin sa ating mga Kinatawan ang madaliang pagdaragdag ng siyam na libong piso (P9,000) sa kanilang buwanang sahod.

Tulad nating mga Kinatawan sa Kongreso, ang mga guro ay tapat na naglilingkod sa ating bayan, partikular sa paghuhubog sa mga kabataan bilang pag-asa ng ating bayan.

Maliban sa walong oras na kanilang inuubos sa pagtuturo sa ating mga anak, walang sawa rin silang tumululong sa iba pang gawain sa loob at labas ng paaralan, tulad ng pag-aasikaso ng mga programang pang-edukasyon ng mga mag-aaral, paggampan sa gawain ng isang adviser, trainer o coach,  pakikinig sa mga problema personal ng mga bata at paggabay sa kabataan sa tamang landas.

Lahat ng ito at higit pa, ang kung tutuusin ay isinasagawa ng ating mga guro nang walang hinihintay na kapalit.

Ang labindalawang libong pisong (P12,026) minimum na sahod na natatanggap ng isang bagong guro ay hindi nakasasapat sa pang-araw araw na gastusin ng isang pamilya. Ito ay lubhang mas maliit din sa tinatanggap na sahod ng isang kadete ng Philippine National Police Academy na P15,992 at ng 2nd Lieutenant ng Armed Forces of the Philippines na P17, 629, na may kaparehas na kwalipikasyon sa isang guro. Kung isasaalang-alang pa ang mga kontribusyon at koleksyon na otomatikong ibinabawas ng pamahalaan sa kanilang sahod, ang kanilang take home pay na umaabot na lamang sa humigit kumulang limang libong piso (P5,000) ay hindi pa sapat pambili ng pagkain.

Maliban pa dito, ang mga pulis at militar ay nakakatanggap ng samu't saring benepisyo at allowances gaya ng hazard pay,subsistence allowance at longevity pay na umaabot sa mahigit limang libong piso (P5,333).

Walang natatanggap ng ganitong mga benepisyo ang ating mga guro sa kabila ng mga panganib na kanilang kinakaharap – may ilang mga guro na araw-araw ay umaakyat ng bundok o kaya ay tumatawid ng ilog, upang makapaghatid kaalaman lamang sa mga kabataang Pilipino.

Labag man sa kanilang kalooban, marami sa ating mga guro ang napipilitang magtrabaho na lamang sa call center o kaya ay maging caregiver o domestic worker sa ibang bansa dahil sa kakarampot na sahod na kanilang natatanggap mula sa pamahalaan.

Ang sagot ng pamalahaang Arroyo sa panawagang dagdag na sahod ng mga  kawani ng gobyerno na Salary Standardization Law III ay tila isa lamang limos na nagtaas sa sahod ng ating mga guro nang apat na libo (P4,645, total=P16,671) na ibibigay sa loob nang apat na taon.  

Ang kabuuang sahod na tatanggapin kung maaamyendahan ang Salary Standardization Law ay kulang nang may P10,839 sa konserbatibong pagtaya ng National Wages and Productivity Commission sa family living wage na P27,510.

Ginoong Speaker, mga kasamang Kinatawan, sa walong taong panunungkulan ni Ginang Arroyo ay isang beses lamang na itinaas ang sahod ng ating mga guro. Matagal silang nagtiis sa pinakamababang sahod at ang salary increase nitong nakaraang Hulyo ng nakaraang taon ay walang naitulong dahil sa walang ampat na pagtaas noon ng presyo ng mga pangunahing bilihin tulad ng bigas at gasolina. Tuloy ang pagkalugmok sa hirap ng ating kaguruan dahil sa padausdos na halaga ng kakarampot nilang sahod.

Dahil sa malawakang krisis na kinakaharap hindi lamang ng ating bansa, kundi maging ng mga tinatawag na abanseng ekonomiya sa buong mundo ay nangangamba ang ating mga guro na mas titindi ang kanilang nararanasang paghihirap.

Kaya sa ngalan ng mga guro na personal na lumapit sa ating pintuan sa araw na ito sa pangunguna ng Alliance of Concerned Teachers, hinihiling ng Gabriela Women's Party na isulong ng mga kagalanggalang na Kinatawan ng Mababang Kapulungan sa lalong madaling panahon ang P9000 across-the-board wage hike na kanilang tanging maaasahan sa panahon ng global financial and economic crisis.#