Manipestasyon para sa Plenary Hearing ng National Housing Authority
Narito po ako upang dalhin sa kapulungang ito ang tinig ng mga kababaihang na habang patuloy na hinihigop ng kumunoy ng kahirapan, ay lalo naman silang itinutulak ng pamahalaan pailalim dahil sa mga programang pabahay at relokasyon ng NHA at HUDCC.
Para sa mga kababaihan, hindi usapin ang dagdag na budget para sa mga ahensyang ito ng pamahalaan. Bagkus ay nararapat nga na dagdagan pa upang mas marami pa sana silang matulungan lalo na sa mga panahon ng delubyo at upang maging maayos ang mga proyektong pabahay. Ngunit naniniwala rin ang kababaihan at ang kanilang pamilya na hindi umiikot lamang sa budget, sa mga pabahay o sa mga relocation sites ang usapin ng pabahay. Higit pa rito, ang usapin ng pabahay ay nakakabit sa kanilang dignidad bilang mga tao at bilang mga Pilipino. Ito ang kanilang buhay at kamatayan. Katulad din ng iba pang mga karaniwang Pilipino, ang mga Pilipinong nasa mga relocations sites ay nangangailangan din ng iba pang mga serbisyong panlipunan tulad ng ospital, eskwelahan, malinis na tubig, maayos na serbisyo ng kuryente, at hanapbuhay.
Sa pakikipag-usap na ginawa ng Gabriela kay Secretary Jesse Robredo, siya man ay naniniwala na mas makabuluhan at kapakipakinabang ang isang programang pabahay kung ito ay may mga naihanda ring komprehensibo at maayos na mga serbisyong panlipunan at malapit sa kanilang hanapbuhay.
Kawalan ng mga disenteng trabaho ang pangunahing dahilan kung bakit bumabalik sa syudad ang mga pamilyang dinala na sa mga relocation site. Ayon nga po sa isang nanay na nakatira sa Barangay Bagong Silangan, mas nanaisin pa nilang laging binabaha dahil kaya nilang lumangoy, ngunit hindi na nila kakayanin pang lumangoy kung matatabunan na sila ng lupa sa mga relocation sites.
Ang usapin sa kalagayan ng mga maralitang tagalungsod ay hindi lamang tungkol paglipat sa kanila sa mga relocation sites. Ito ay tungkol din sa pagpapaunlad sa antas ng kanilang pamumuhay. Kasama sa pagpapaunlad na ito ang pagbibigay sa kanila ng komprehensibong mga serbisyong panlipunan at pagbibigay sa kanila ng pantay na pagkakataong magkaroon ng hanapbuhay na may dignidad.
Buhay at dignidad ng mga informal settlers ang dapat na maging sukatan sa kaangkupan ng mga polisiya at programa ng pamahalaan para sa kanila. Higit sa relocations sites at bahay, kailangang tiyakin na sustainable at ligtas na lugar ang paglilipatan sa kanila.
Sustainable dahil mayroon itong mga sapat at maayos na mga serbisyong panlipunan at may hanapbuhay para sa kanila. At ligtas dahil natitiyak natin na sa lugar na ito, hindi na sila dadanas ng matitinding mga delubyo tulad ng rumaragasa at lampas-taong baha o pagguho ng lupa.
Ngunit patuloy pa rin silang bumabalik sa syudad dahil walang hanap-buhay at kabuhayan sa mga relocation site. At ligtas nga ba sila? Nito lamang nakaraang Habagat, nakita natin kung paano winasak ng baha ang mga bahay sa Kasiglahan Village. At ayon sa HUDCC, inilipat na sila sa mas mataas na bahagi ng kasiglahan Village, ngunit hindi pa rin masasabi kung ligtas na sila sa lugar na iyo kung sakaling magkaroon ulit ng pagbaha.
Sa mga fact finding missions na inilunsad ng Gabriela sa iba’t ibang mga relocation sites sa Montalban, Bulacan at Laguna, nakita namin na hindi ligtas at hindi maayos ang mga pabahay maliban pa sa kulang na kulang mga mga serbisyong panlipunan para sa kanila. Palaging sinasabi ng pamahalaan na kailangang ilipat ang mga nakatira sa mga danger zones upang iligtas sila sa anumang nakaambang sakuna. Ngunit sa kanilang mga karanasan, napatunayan nang inilipat lamang sila ng pamahalaan mula sa danger zones papunta sa mga death zones.
Ang kaligtasan ay hindi rin nakakahon sa mga mga usapin ng mga baha o pagguho ng lupa. Kasama rin dito ang kaligtasan nila sa mga sakit at posibilidad ng kawalan ng pagkakataong mag-aral dahil sa kakulangan ng mga serbisyong pangkalusugan at mga paaralan.
Ang mahihirap ang laging collateral damage sa lahat ng mga programang pangkaunlaran ng pamahalaan. At kung susuriin natin ng mas malalim ang kanilang karanasan at sitwasyon, makikita natin na ang patong-patong na mga dislokasyong nararanasan ng mahihirap nating mga kababayan ay dala ng mga polisiyang kontra-mahirap ng bawat administrasyon. Karamihan sa kanila ay biktima ng land grabbing, land conversion, militarisasyon, at mga hindi pantay na pag-unlad sa kanayunan. Ito ang dahilan kung bakit sumisiksik sila sa masisikip na lugar sa mga syudad. At kapag dinala naman sila sa mga relocation sites, dadag pang pahirap ang dinaranas nila dahil naman sa pagsasamantala ng mga kontraktor, at ang mismong relocation sites ay hindi rin ligtas.
Buhay at dignidad ng mga informal settlers ang dapat na maging pangunahing sukatan sa kaangkupan ng mga polisiya at programa ng mga pamahalaan para sa mahihirap. Lampas pa sa mga pabahay at relocation sites, kailangan nila ang ligtas na lugar upang mabuhay sila ng payapa at may dignidad. At matitiyak lamang natin na ligtas sila at may dignidad na mabubuhay sa mga relocation sites at sa iba pang mga lugar na pabahay ng pamahalaan kung may mailalatag at maibibigay sa kanilang komprehensibo at maka-mahirap na programa. Isang programang kumikilala sa kanila bilang mga mamamayang Pilipinong nangangailangan din ng sapat at maayos na mga serbisyong panlipunan, may mga pangarap na nais nilang matupad, may buhay na nasi nilang sustinihan ng mahusay, at may dignidad na nais nilang pangalagaan.
At mangyayari lamang ito kung ang programa ng pamahalaan para sa kanila ay makamahirap at kumikilala sa kanilang mga karapatan bilang mga Pilipino, bilang mga tao. Kaya naman nanatiling matatag ang Gabriela Women’s Party at ang kababaihan na dapat magkaroon muna ng moratorium sa mga demolisyon hanggang walang malinaw na programang makamahirap para sa kanila.
Magandang hapon po sa ating lahat. (September 17, 2012)

Delicious
Digg
StumbleUpon
Propeller
Reddit
Magnoliacom
Newsvine
Furl
Facebook
Google
Yahoo
Technorati
Icerocket

