Ang 2012 Badyet ng Pamahalaang Aquino ay Nananatiling Kontra-mahirap: Pagpapaliwanag sa botong HINDI sa HB5023
Lalong pinagtibay ng HB5023 ang interes ng malalaking lokal at dayuhang negosyo kapalit ng mga serbisyong panlipunan at paglikha ng mga trabaho para sa mahihirap at marginalized na mga sektor.
Naglaan ng mahigit sa PhP21B ang proposed 2012 budget para sa Public-Private Patnerships at patuloy itong naglalaan ng malaking bahagi ng budget para sa pagbabayad ng mga utang at gastusin para sa militar. Kasabay nito, pinatataasan din ng pamahalaang Aquino ang alokasyon para sa CCT, na pinaniniwalaan ng karamihan na may bahid na ng paglalaan ng pondo para sa eleksyon sa 2013 na ikinukubli sa mga panlipunang serbisyo para sa mahihirap.
Upang maibalik sa tunay na dapat makinabang sa 2012 budget, isinumite ng kinatawang ito, sa ngalan ng mahihirap na kababaihan, ang mungkahing pagpapataas ng alokasyon para sa muling pagpapatayo ng mga sira nang housing tenements, wastong implementasyon ng universal kinder program, at kumpletong implementasyon ng Juvenile Justice and Welfare Act of 2006.
Sa kabuuan ng mga deliberasyon para sa 2012 budget, nananatiling matatag ang tindig ng GWP na kailanman ay hindi mabubura ng CCT ang kahirapan. Sa halip, lalo nitong pag-iibayuhin ang kahirapan dahil ang mas malaking bahagi ng yaman ng bansa ay inaalis sa mga programang pumuputol sa mga ugat ng kahirapan tulad ng kawalan ng lupa at trabaho. Ang inilaang P39.4B para sa CCT ay mas kapaki-pakinabang sana kung ito ay ilalaan sa mga serbisyong panlipunan tulad ng pabahay, edukasyon at kalusugan.
Sa ikalawang pagkakataon, ang budget ng pamahalaang Aquino ay magpapatuloy lamang, kung hindi man lalong magpapalala, sa paghihirap ng mas maraming bilang ng ating populasyon. Tungkulin ng GWP na ipaglaban ang interes ng mahihirap na kababaihan kaya bumuboto ako ng HINDI para sa HB5023. (Oktubre 12, 2011)

Delicious
Digg
StumbleUpon
Propeller
Reddit
Magnoliacom
Newsvine
Furl
Facebook
Google
Yahoo
Technorati
Icerocket

